Gabay para sa Mga Caregiver Upang Maunawaan ang Ugali at Kilos ng mga Taong may Dementia (Caregiver’s Guide to Understanding Dementia Behaviors)
Panimula
Ang pag-aalaga sa isang mahal sa buhay na may dementia ay isang malaking hamon para sa pamilya nito at sa mga caregiver. Ang mga taong may dementia dahil sa mga sakit tulad ng Alzheimer at iba pang kaugnay na karamdaman ay nakararanas ng unti-unting paglala ng sakit sa utak na nagdudulot ng problema sa memorya, pag-iisip nang maayos, pakikipag-usap sa ibang tao at pag-aalaga sa kanilang sarili. Bukod dito, maaari ring maging sanhi ang dementia ng pagbabagu-bago ng pag-uugali o pagiging masumpungin at maaari ring magbago ang personalidad at pag-uugali ng taong may dementia. Ang fact sheet na ito ay nagbibigay ng mga praktikal na paraan upang harapin ang problema sa mga nakababahalang pag-uugali at pakikipag-komunikasyon na kadalasang nararanasan sa pag-aalaga ng taong may dementia.
Sampung Tips sa Pakikipag-Komunikasyon sa Taong may Dementia
Tayo ay hindi ipinanganak na may kakayahang makipag-ugnayan sa mga taong may dementia — gayunpaman, pwede nating matutunan ito. Sa pamamagitan ng pagpapabuti ng iyong komunikasyon, mas malamang na umigi din ang pagsasamahan ninyo ng kapamilya mong maysakit. Makatutulong din ang magaling na komunikasyon sa pagharap ng mga nakakabahalang pagpag-uugali na maaari mong maranasan sa pag-aalaga mo sa taong may dementia.
- Gawing positibo ang mood sa pakikipag-usap sa pasyente. Kumpara sa salita, mas mabisa ang iyong saloobin o pakikitungo at body language upang ipakita ang iyong nararamdaman o iniisip. Magbigay ng positibong pakiramdam sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa paraang maayos at may respeto. Gamitin ang ekspresyon ng mukha, tono ng boses at paghawak o paghipo upang iparating ang iyong mensahe at iparamdam ang iyong pagmamahal.
- Kuhanin ang atensyon ng tao Limitahan ang pagkagambala at ingay – patayin ang radyo o telebisyon, isarado ang kurtina o pinto, o kaya naman ay lumipat sa mas tahimik na lugar. Bago ka magsalita, siguraduhin na nakukuha mo ang kanyang atensyon; tawagin siya sa pangalan, ipakilala ang iyong sarili sa kanya – sabihin ang iyong pangalan at ang kaugnayan sa kanya at gumamit ng mga senyas at hawakan siya upang manatili siyang naka pokus. Kung nakaupo siya, bumaba ka para siguraduhing magka-level kayo at napapanatili ang inyong tinginan sa mata.
- Malinaw na sabihin ang iyong mensahe. Gumamit ng mga simpleng salita at pangungusap. Magsalita nang mabagal, malinaw at may tono ng boses na nakakapagpanatag ng loob. Iwasang itaas ang boses o magsalita nang malakas; sa halip, pababain ang tono ng boses mo. Kapag hindi niya agad naintindihan ang sinabi mo, ulitin ang eksaktong sinabi mo o tanong mo. Kapag hindi pa rin niya maintindihan, maghintay ng ilang minuto at i-rephrase o medyo baguhin mo ang pagkakasabi mo ng tanong mo. Gamitin ang pangalan ng mga tao at lugar sa halip na gamitin ang mga pronoun o panghalip (siya, sila) o mga abbreviation o pagdadaglat.
- Gawing simple ang tanong at siguraduhin nasasagot ito. Paisa-isa lang ang pagtatanong; ang mga tanong na maaaring sagutin lang ng oo o hindi ang pinakamainam sa lahat. Iwasan ang mga tanong na open-ended o hindi nasasagot ng oo o hindi, o kaya naman ay pagbibigay ng sobrang daming choices sa tanong. Halimbawa, tanong na “Gusto mo bang magsuot ng puti o asul na damit?” Mas mainam kung maipapakita mo sa kanya ang mga choices – maaaring makatulong ang mga senyas at galaw upang linawin ang iyong tanong at gabayan siya sa kanyang sagot.
- Makinig gamit ang iyong tenga, mata at puso. Maging matiyaga o magpasensya sa paghintay sa sagot ng iyong kapamilyang maysakit. Kung nahihirapan siyang sabihin ang sagot, maaari kang magmungkahi ng ilang salita. Obserbahan ang mga senyas at body language niya, at angkop na tugunan ang mga ito. Sikapin laging alamin ang kahulugan at damdamin sa ilalim ng mga salita niya.
- Hatiin ang gawain sa mas maliliit na gawain Sa pamamagitan nito, mas magiging manageable o madaling gawin ang mga gawain. Maaari mong hikayatin ang iyong inaalagaan na gawin ang kaya niyang gawin, mahinahong ipaalala sa kanya ang mga hakbang na maaari niyang malimutan at tulungan siya sa mga hakbang na hindi na niya kayang gawin nang nag-iisa. Ang paggamit ng mga visual cues o mga galaw ay maaaring makatulong katulad ng pagkumpas upang ipakita sa kanya kung saan dapat ilagay ang plato,
- Kapag naging kumplikado ang sitwasyon, i-distract siya at agawin ang kanyang atensyon sa ibang bagay. Kapag sumama ang kalooban ng iyong inaalagaan o kaya ay nababalisa siya, subukang baguhin ang usapan o kaya naman ay magbago ng paligid. Halimbawa, humingi ng tulong sa kanya o yayain siyang maglakad. Mahalagang maunawaan mo ang nararamdaman ng pasyente bago mo subukang ilipat ang atensyon niya. Maaari mong sabihin sa kanya, “Alam kong nalulungkot ka—Nalulungkot din ako na nasaktan ang loob mo. Kain tayo.”
- Sumagot nang may pagmamahal at nakakapanatag ng loob Ang mga taong may dementia ay kadalasang nalilito, nababalisa at hindi sigurado sa sarili nila. Gayundin, maaaring malito sila sa mga totoong nangyayari at magkuwento ng mga bagay ayon sa kanyang alaala na hindi naman totoong nangyari. Iwasan silang kumbinsihin na sila ay mali. Tumutok sa mga feelings o damdamin na ipinapakita nila (at ang mga ito ay totoo) at tugunan ang mga ito gamit ang mga salita at pisikal na paraan upang ipakita sa kanila ang iyong pagsuporta, pagbibigay ng ginhawa at katiyakan. Kung minsan, ang paghawak sa kanilang kamay, paghaplos, pagyakap at pagpuri sa kanilang ginawa ay nakatutulong upang mag-respond o tumugon sila kapag ang lahat ng iba pang paraan ay walang bisa.
- Alalahanin ang mga lumipas at magagandang panahon. Ang pag-aalala sa nakaraan ay isang aktibidad na kadalasang nakatutulong upang pakalmahin at hikayatin ang mga taong may dementia. Maaaring makalimutan ng marami sa mga taong may dementia kung ano ang nangyari sa nakaraang 45 minuto, ngunit maaaring maalala nila ang buhay nila 45 taon na ang nakaraaan. Kaya iwasang magtanong ng mga bagay na nangangailangan ng maikling memorya , katulad ng pagtanong sa kanya kung ano ang kinain nila sa tanghalian. Sa halip, magtanong ng mga pangkalahatang bagay tungkol sa kanyang nakaraan – mas malaki ang posibilidad na natatandaan pa niya ang mga impormasyong ito.
- Gamitin ang sense of humor o pakiramdam ng pagpapatawa kung maaari, ngunit hindi ito dapat gamitin nang nakakasakit sa damdamin ng taong naalagaan. Kadalasan, napapanatili ng mga taong may dementia ang kanilang social skills o kasanayan panlipunanan at nasisiyahan silang tumawa kasama mo.
Mga Dapat Gawin Kapag may mga Nakababahalang Pag-uugali
Ang ilan sa mga pinakamalaking hamon sa pag-aalaga ng mga taong may dementia ay ang mga pagbabago na kadalasang nangyayari sa kanilang personalidad at pag-uugali. Upang harapin ang mga hamon na ito, mas mainam gamitin ang pagkamalikhain at kakayahang umangkop o creativity, flexibility, pasensya at pag-unawa sa kanilang sitwasyon. Makatutulong din kung hindi mo pepersonalin ang mga pangyayari at panatilihin ang iyong pakiramdam ng pag papatawa.
Una, isaalang-alang ang mga patakarang ito:
Hindi natin makakayang baguhin ang tao. Ang taong inaalagaan mo ay may problema sa utak na siyang humuhubog kung ano siya ngayon. Kapag sinubukan mong kontrolin o baguhin ang kanyang pagkilos at ugali, halos siguradong hindi ka magtatagumpay o kaya naman ay ire-resist o lalabanan ka niya. Mahalaga na:
- Subukang mag-adjust o bagayan ang ugali niya, sa halip na kontrolin ito. Halimbawa, kapag ipinipilit niya na matulog sa sahig, maglagay ng mattress sa sahig upang maging mas kumportable siya.
- Tandaan na maaari nating baguhin ang ating ugali o ang ating kapaligiran . Kadalasan, sa pagbabago ng ating sariling ugali, nagbabago rin ang ugali ng taong minamahal natin.
Alamin muna ang sitwasyon mula sa doktor. Ang mga problema sa ugali ay maaaring dulot ng problema sa kalusugan: maaaring ang taong inaalagaan mo ay nakakaramdam ng sakit o kaya naman ay nakararanas ng matinding epekto ng gamot na iniinom niya. Sa ilang kaso, katulad ng incontinence o hindi makapagpigil sa pag-ihi o pagdumi, o hallucination o pagkahibang, may mga gamot o treatment na maaaring makatulong upang masolusyunan ang problema.
Ang pag-uugali o ugali at pagkilos ay may dahilan. Kadalasan, hindi kayang sabihin ng mga taong may dementia kung ano ang gusto o kailangan nila. Maaaring gumawa sila ng isang bagay, halimbawa, inaaalis nila araw-araw ang mga damit sa aparador, at iniisip natin kung bakit nila ginagawa ito. Maaaring ginagawa niya ito upang matugunan niya ang pangangailangan niya sa sarili na maging abala at produktibo. Laging isaalang-alang kung ano ang pangangailangan na gusto niyang tugunan sa kanyang mga kilos — at kung maaari, subukang tanggapin ang mga ito.
Ang pag-uugali ay may trigger o sanhi. Mahalagang maunawaan na ang lahat ng pag-uugali o ugali at pagkilos ay may trigger o sanhi. Ito ay maaaring dahil sa ginawa o sinabi ng isang tao na naging dahilan ng kanyang pag-uugali, o kaya naman ay pagbabago sa kapaligiran. Ang susi para mabago ang pag-uugali ay ang pagsira sa pattern na ginagawa natin. Subukang gumamit ng ibang approach o paraan, o kaya naman ay sumubok ng ibang consequence o kalalabasan.
Ang maaaring OK ngayon, maaaring hindi na OK bukas. Dahil may iba’t ibang dahilan na nakaaapekto sa mga maling pag-uugali, at dahil sa paglala ng sakit, ang mga solusyon na epektibo ngayon ay maaaring kailanganing baguhin para maging epektibo din kinabukasan – o maaaring tuluyan nang hindi gumana. Ang susi upang i-manage ang mga mahihirap na pag-uugali ay ang pagiging malikhain o flexible sa mga diskarte na ginagamit mo upang tugunan ang problema.
Humingi ng tulong sa iba. Hindi ka nag-iisa–marami ang nag-aalaga ng mga taong may dementia. Hanapin ang pinakamalapit na Area Agency on Aging sa ‘yo; ito ay local chapter ng Alzheimer’s Association, isang California Caregiver Resource Center, o pumunta sa Family Care Navigator (www.caregiver.org/family-care-navigator) upang humingi ng tulong sa mga grupo, organisasyon at serbisyo na makatutulong sa iyo. I-expect na, katulad ng taong inaalagaan mo, magkakaroon ka ng magaganda at masasamang araw. Gumawa ng mga diskarte upang makarekober sa mga masasamang araw.
Ang mga sumusunod ay isang overview o pangkalahatang impormasyon ukol sa mga pinaka-pangkaraniwang pag-uugali o ugali at kilos na may kinalaman sa dementia, at mga suggestion na maaaring makatulong na i-manage ang mga ito. May mga karagdagang mapagkukunan na nakalista rin sa hulihan ng fact sheet na ito.
Paglalakad nang Walang Patutunguhan
Ang mga taong may dementia ay maaaring maglakad ng walang patutunguhan dahil sa iba’t ibang dahilan, katulad ng pagkabagot, epekto ng gamot, o upang hanapin ang isang “bagay” o tao. Maaari ring tinutugunan nila ang isang pisikal na pangangailangan nila — uhaw, gutom, pagpunta sa banyo, o para mag-ehersisyo. Hindi laging madaling malaman ang trigger o dahilan ng kanilang paglalakad, ngunit maaari itong magbigay ng ideya kung paano bigyan ng solusyon ang pag-uugali na ito.
- Magsagawa ng regular na exercise upang mabawasan ang pagkabalisa.
- Isaalang-alang ang paglalagay ng mga bagong kandado na may susi. Ilagay ang mga kandado sa mataas o mababang parte ng pinto; karamihan sa mga taong may dementia ay hindi iniisip na tumingin nang mas mababa o mas mataas sa kanilang eye level. Isaalang-alang ang sunog at kaligtasan para sa lahat ng miyembro ng pamilya; ang kandado o mga kandado ay dapat na naaabot ng iba at dapat na mabuksan sa loob lang ng ilang segundo.
- Subukang gumamit ng harang katulad ng kurtina o streamer na may kulay upang matakpan ang pinto. Maaari ring makatulong ang paglalagay ng “stop” at “do not enter” na sign o tanda.
- Maglagay ng itim na punasan ng paa o pintahan ng itim ang isang bahagi ng harap ng beranda niyo; para sa mga taong may dementia, mukha itong butas na hindi madadaanan.
- Maglagay ng “child-safe” na plastic na takip sa mga doorknob.
- Isaalang-alang ang paglalagay ng home security system o monitoring system na ginawa para bantayan ang mga taong may dementia. Meron ding mga bagong digital devices na maaaring isuot katulad ng relo o maaaring i-clip sa sinturon na gumagamit ng global positioning system (GPS), o kaya’y iba pang teknolohiya upang i-track ang mga pinupuntahan ng tao o upang mahanap siya kapag naligaw siya.
- Itago ang mga mahahalagang bagay katulad ng coat, pitaka o salamin ng taong may problema sa pagkalito. May mga tao na hindi lalabas kapag hindi nila dala ang ilang mga bagay.
- Ipasuot sa iyong inaalagaan ang isang ID bracelet at itahi ang mga ID label sa kanyang mga damit. Siguraduhing meron kang kasalukuyang litrato ng taong inaalagaan mo kung sakaling kakailanganin mong i-report ito. Isaalang-alang na mag-iwan ng copy on file sa police department o iparehistro ang nasabing tao sa Alzheimer’s Association Safe Return program o iba pang emergency tracking service.
- Sabihin sa mga kapitbahay mo ang pag-uugali sa paggagala ng inaalagaan mo, at siguraduhin na meron silang phone number mo.
Incontinence o kawalan ng pagpipigil
Ang kawalan ng kakayahan na pigilin ang pag-ihi at pag-dumi ay kadalasang nangyayari habang lumalala ang dementia. Minsan, nangyayari ang mga insidenteng sanhi ng mga pangyayari sa kapaligiran o paligid; halimbawa, hindi niya matandaan kung saan matatagpuan ang banyo o kaya naman ay hindi makaabot doon sa oras. Kapag may nangyaring insidente, makatutulong ang pag-unawa mo at reassurance upang hindi masaktan ang dignidad ng inaalagaan mo at upang ma-minimize ang pagkahiya.
- Gumawa ng routine sa paggamit ng banyo. Bawat dalawang oras, ipaalala sa taong may dementia na pumunta sa banyo o kaya ay tulungan siyang pumunta sa banyo.
- Mag-iskedyul ng pag-inom ng inumin upang masiguro na hindi nade-dehydrate ang taong inaalagaan. Kailangan mong malaman na may mga inumin (kape, chaa, cola o serbesa) na may diuretic effect o mas nakakapagpa-ihi, kumpara sa iba. I-limit ang pag-inom ng inumin sa gabi bago matulog.
- Gumamit ng mga signs o tanda (na may mga drawing) upang ipaalam kung alin ang pinto ng banyo.
- Maaari ring maglagay ng commode, na mabibili sa anumang medical supply store, tuwing gabi para mas malapit sa kanya ang banyo.
- May mga nabibili ring incontinence pads at iba pang mga produkto sa pharmacy o supermarket. Maaaring magreseta ang urologist ng espesyal na produkto o treatment.
- Gumamit ng damit na madaling tanggalin at may elastic na garter o velcro, at bigyan ang inaalagaan ng damit na madaling labhan.
Pagkabalisa
Ang pagkabalisa ay tumutukoy sa iba’t ibang mga pag-uugali na may kinalaman sa dementia kabilang na ang pagkairita, kawalan ng pagtulog at verbal at pansalakay sa pandiwa o pisikal. Kadalasan, lumalala ang pag-uugali na ito habang lumalala rin ang dementia. Ang pagkabalisa ay maaaring i-trigger o magsimula sanhi ng iba’t ibang mga bagay tulad ng mga kapaligiran, takot at pagod. Kadalasan, natri-trigger ang pagkabalisa kapag sa tingin ng taong may dementia, ay tinatanggalan siya ng “kontrol”.
- Pahinain ang ingay, bawasan ang clutter o dami ng gamit o bawasan ang bilang ng tao sa loob ng kuwarto.
- Ipanatili ang programa sa pamamagitan ng hindi pagbabago sa mga nakasanayan na. Huwag baguhin ang pwesto ng mga bagay at gamit sa bahay. Ang mga pamilyar na bagay at litrato ay nagbibigay ng pakiramdam na seguridad at maaaring magpa-alala ng magagandang alaala.
- Bawasan ang pag-inom ng kape at pagkain ng asukal o matatamis at iba pang pagkain na nagiging sanhi ng pagtaas ng energy o lakas ng tao.
- Haplusin nang marahan ang taong may dementia o gumamit ng nakaka-relax na music o maglakad upang maalis ang pagkabalisa niya. Gumamit ng reassuring na boses na nakakapagpanatag ng loob kapag kinakausap siya. Huwag siyang pigilan habang nakakaranas siya ng pagkabalisa.
- Ilayo ang mga delikadong bagay mula sa kanya.
- Hangga’t maaari, hayaan siyang gawin niya ang mga bagay nang nag-iisa–suportahan ang kanyang pagiging malaya at kakayahan na alagaan ang sarili niya.
- Unawain ang galit na nararamdaman niya dahil sa pagkawala ng kontrol niya sa kanyang buhay. Sabihin mo sa kanya na nauunawaan mo ang pagkabigo niya.
- I-distract siya sa pamamagitan ng meryenda o gawain. Hayaan mo siyang makalimutan ang insidenteng nakaligalig sa kanya. Maaaring tumindi ang pagkabalisa kung ico-confront o haharapin ang taong may dementia.
Paulit-ulit na Salita o Gawain (Pagtitiyaga)
Kadalasang inuulit-ulit ng mga taong may dementia ang salita, pangugusap, tanong o gawain nila. Bagama’t harmless o hindi delikado ang pag-uugaling ito para sa mga taong may dementia, maaaring maging nakakainis at nakaka-stress ito sa kanilang mga caregiver. Kung minsan, ang pag-uugaling ito ay natri-trigger ng pagkabalisa, pagkabagot, takot o kaya mga pangyayari sa paligid niya.
- I-reassure siya at pakalmahin sa pamamagitan ng pakikipag-usap at paghaplos sa kanya.
- Subukan siyang i-distract sa pamamagitan ng meryenda o gawain.
- Iwasang sabihin sa kanila na paulit-ulit ang kanilang tanong. Subukang balewalain ang kanilang pag-uugali o tanong, at sa halip, subukang itutok ang atensiyon niya sa isang activity katulad ng pagkanta o “pagtulong” sa ‘yo sa isang gawain.
- Huwag pag-usapan ang mga plano sa taong may dementia at gawin lang ito bago ang mga pangyayari.
- Maaari kang maglagay ng sign sa mesa ng kusina katulad ng “Dinner at 6:30” o “Alas-5 uuwi sa bahay si Lois” upang maalis ang pagkabalisa at uncertainty o kawalan ng katiyakan sa mga pangyayari na hinihintay niya.
- Matutong kilalanin ang mga kakaibang pag-uugali. Ang pagkabalisa o paghila sa damit, halimbawa, ay maaaring nangangahulugan na gusto niyang pumunta sa banyo.
Paranoia o nag-iisip ng kung ano ano na wala namang dahilan
Nakakabalisang makita ang isang minamahal natin sa buhay na bigla na lang nagiging mapanghinala, seloso o mapagbintang. Tandaan, ang anumang dinaranas nila ay napakatotoo sa kanila. Mas mabuting hindi na lang makipag-diskusyon sa kanya o hindi siya sang-ayunan. Maging ito ay bahagi rin ng dementia — huwag mong personalin ito.
- Kung naghihinala ang taong may dementia na may “nawawalang” pera, hayaan mo siyang magdala ng konting pera sa bulsa o bag niya para mas madaling maghanap.
- Tulungan silang hanapin ang “nawawalang” bagay, at pagkatapos ay ilipat ang atensyon nila sa ibang gawain. Alamin kung ano ang paboritong lugar kung saan itinatago ng inaalagaan mo ang mga gamit niya na kadalasang hinihinala niya na “nawawala.” Iwasang makipag-away.
- Maglaan ng oras na ipaliwanag sa ibang miyembro ng pamilya at mga kasambahay na ang pagbibintang ng taong may dementia ay bahagi ng sakit nito.
- Gumamit ng mga non-verbal na reassurance katulad ng banayad na paghaplos at pagyakap. Alamin ang feeling o nararamdaman niya sa pag-aakusa niya at ipapanatag ang loob niya. Maaari mong sabihin sa kanya na, “Alam kong natatakot ka; dito ka lang sa akin, hindi ko papayagang may anumang mangyari sa iyo.”
Kawalan ng Tulog/Sundowning
Ang pagkabalisa, agitation o pagkabagabag, disorientation at iba pang mga pag-uugali na nakakabahala ay kadalasang lumalala kapag malapit ng gumabi, at kung minsan, nagpapatuloy ang mga ito hanggang sa gabi. Naniniwala ang mga expert o eksperto na ang pag-uugali na ito na karaniwang tinatawag na sundowning ay sanhi ng kumbinasyon ng iba’t ibang mga factor katulad ng pagkapagod sa mga pangyayari sa araw at pababago sa biological clock ng tao na nagdudulot ng pagkalito sa araw at gabi.
- Damihan ang mga gawain sa araw, lalo na ang mga pisikal na gawain. Iwasan ang inactivity o kawalan ng ginagawa at ang pagtulog sa araw.
- Mag-ingat sa mga pagkain na nakakapagpalala nito katulad ng asukal o matatamis , caffeine at ilang uri ng junk food. Tanggalin o hayaan lang ang pagkain ng mga pagkain at inuming ito sa umaga. Mag-plano ng maliliit na meal o pagkain sa araw, kabilang na ang light meal katulad ng kalahating sandwich, bago matulog.
- Planuhin ang mga oras sa tanghali at gabi para maging tahimik at kalmado; gayunpaman, ang structured o planado at tahimik na activity ay mahalaga. Maaari kayong maglakad sa labas, maglaro ng simpleng card game o magkasamang makinig sa soothing o nakakapagpakalmang musika.
- Ang pagpatay ng mga ilaw bago pa man lumubog ang araw at pagsara ng mga kurtina sa dapit-hapon ay nakatutulong upang mabawasan ang mga anino sa kuwarto at maaaring makatulong upang mabawasan ang pagkalito. Gayunpaman, siguraduhin na may nightlight sa kuwarto niya, sa hallway at sa banyo.
- Siguraduhin na ligtas ang bahay: harangan ang hagdan ng gate, i-lock ang pintuan ng kusina at/o itago ang mga mapanganib na bagay.
- Bilang huling solusyon, maaaring kausapin ang doktor tungkol sa gamot na maaaring inumin niya upang maging relaxed at makatulog ito. Tandaan na ang mga sleeping pills at tranquilizers ay nakatutulong na masolusyunan ang isang problema, ngunit nagiging sanhi din ito ng iba pang problema, katulad ng pagtulog sa gabi ngunit mas nagiging lito naman kinabukasan.
- Mahalaga na sapat kang nakakatulog, bilang caregiver niya. Kung hindi ka makatulog sa gabi dahil sa mga ginagawa ng taong may dementia sa gabi, maaari kang makiusap sa isang kaibigan o kamag-anak na palitan kung minsan, o kaya ay kumuha ng kahalili upang magkaroon ka ng sapat na tulog. Makatutulong din ang pag-idlip sa umaga.
Pagkain/Nutrisyon
Isang challenge o hamon ang pagsiguro na ang inaalagaan mo ay kumakain ng sapat na masusustansiyang pagkain at umiinom ng sapat na inumin. Nakakalimutan ng mga taong may dementia na kailangan nilang kumain at uminom. Maaari ring maging kumplikado ang problema kung may problema sa ngipin o may mga gamot siya na nakakapanghina ng gana sa pagkain at nagiging “kaiba” ang lasa ng pagkain. Marami ang pinsalang dala ng poor nutrition, kabilang na ang pagbaba ng timbang, pagiging iritado, kawalan ng tulog, problema sa pag-ihi at pagdumi at disorientation.
- Gawing bahagi ang mga meal at meryenda sa pang-araw-araw na routine at i-schedule ang mga ito sa magkakaparehong oras araw-araw. Sa halip na tatlong malalaking meal, subukan ang lima o anim na maliliit na meal.
- Gawing espesyal ang oras ng pagkain. Subukang maglagay ng mga bulaklak at mahinay na musika. Patayin ang malalakas na programa sa radyo at sa TV.
- Kailangang i-prioritize ang pagkain niyang mag-isa kumpara sa pagkain ng malinis o paggamit ng “tamang” table manners. Nakatutulong ang pagkain ng finger food upang matuto siyang kumaing mag-isa. Hatiin at timplahan ang pagkain. Subukang ipagamit sa kanya ang straw o “sippy cup” para sa mga bata kung nahihirapan siyang hawakan ang baso. Tulungan lang siya kung kailangan at maglaan ng maraming oras para sa pagkain.
- Umupo at kumain ka rin kasama ang iyong inaalagaan. Kadalasan, gagayahin nila ang iyong ginagawa, at nagiging mas masarap kumain kapag may kasamang iba.
- Ihanda ang pagkain nang isinasaalang-alang ang taong inaalagaan. Kung meron silang pustiso o nahihirapan silang lumunok, maghanda ng malambot na pagkain o gawing bite size ang gayat ng pagkain.
- Kung may problema sa pagnguya at paglunok, subukang igalaw nang marahan ang baba niya upang ngumuya o dahan-dahang haplusin ang kanyang lalamunan upang hikayatin siyang lumunok.
- Kung may problema sa pagbaba ng timbang, bigyan siya ng mga high-calorie snacks sa pagitan ng mga meals o pangunahing pagkain. Kadalasang mas mabuti ang agahan na mataas sa carbohydrates. Kung pagtaba naman ang problema, itago ang mga pagkain na high-calorie. Sa halip, siguradurin laging may fresh na prutas, gulay at iba pang low-calorie snacks.
Pagpapaligo
Kadalasang nakakalimutan ng mga taong may dementia ang “good” hygiene katulad ng pagsisipilyo, pagpunta sa banyo paliligo at regular na pagpapalit ng damit. Mula pa pagkabata, tinuruan na tayo na ang mga bagay na ito ay napaka-pribado at personal; maaari siyang makaranas ng takot, pagkahiya at humilation kapag hinuhubaran at nililinis siya ng ibang tao. Dahil dito, ang pagpapaligo ay kadalasang sanhi ng pagkaligalig sa caregiver at sa taong may dementia.
- Isipin kung ano ang dating hygiene routine ng iyong inaalagaan — mas gusto ba niya ang bath o shower? Umaga o gabi? Pumupunta ba siya sa salon para sa hair wash o ginagawa niya itong mag-isa? May paborito ba siyang scent, lotion o powder na ginagamit noon? Sa pag-adopt, hangga’t maaari, ng mga dati niyang routine sa pagpapaligo, mas magiging kumportable siya. Tandaan na maaaring hindi kailangan na paliguan siya araw-araw — kung minsan, ang dalawang beses sa isang linggo na pagpapaligo ay sapat na.
- Kung dati pang mahinhin ang iyong inaalagaan, tulungan siyang mapanatili ito sa pamamagitan ng pagsasara sa mga pinto at pagsarado sa mga kurtina. Maging shower man o bath, lagyan siya ng tuwalya sa harap niya na maaaring itaas kung kailangan. Siguraduhin na may nakahanda nang tuwalya at bath robe o damit niya kapag nakatapos na siya.
- Laging bigyan ng pansin ang kapaligiran, halimbawa, ang temperature ng kuwarto at tubig (ang mga matatanda ay kadalasang mas sensitive sa init at lamig) at kung sapat ang ilaw. Mas mabuting gumamit ng mga gamit para sa kaligtasan katulad ng bath mats na hindi dumudulas, grab-bars o hawakan at bath o shower seats. Mas mabuti kung maglalagay ng hand-held na shower. Tandaan — kadalasang takot sila na matumba. Tulungan sila maging secure sa shower o bath tub.
- Huwag na huwag iwanan ang taong may dementia nang walang kasama sa bath o shower. Ihanda lahat ang mga gamit sa paliligo na kakailanganin mo sa simula pa lang. Kung binibigyan siya ng bath, ihanda muna ang tubig para sa paliligo. Ipaunawa sa kanya na maligamgam ang tubig – maaari mong buhusan ng konting tubig ang kamay niya bago siya papuntahin sa loob ng bath tub.
- Kung mahirap linisin ang buhok, ihiwalay ang gawaing ito. O gumamit ng dry shampoo.
- Kung laging traumatic o napakaligalig ng paliligo sa bath tub o shower, maaaring bigyan siya ng towel bath o linisin gamit ang tuwalya. Ang bed bath ay kadalasang ginagawa para lang sa mga pasyenteng mahina at bed-ridden, kung saan paunti-unti silang nililinis nang may sabon sa kama, at binabanlawan gamit ang palanggana na may tubig, at tinutuyo gamit ang tuwalya. Parami nang parami ang mga nurse, sa labas o loob man ng mga care facilities, na nagsisimulang makita ang kahalagahan nito at ng variation nito — ang “towel bath” — para sa ibang tao rin, kabilang na ang mga taong may dementia na hindi gusto o hindi kumportable sa paliligo sa bath tub o shower. Sa towel bath, gumagamit ng malaking tuwalya at washcloth na binabasa sa loob ng plastic bag na may maligamgam na tubig at no-rinse na sabon. Gumagamit ng malalaking bath-blankets para sa pasyente upang lagi siyang natatakpan, tuyo at hindi nilalamig habang ikinukuskos ang basang tuwalya at washcloth sa kanyang katawan.
Iba Pang Problema
- Ang pagbibihis ay kadalasang mahirap gawin para sa mga pasyente na may dementia. Pumili ng damit na maluwag, kumportable at may zipper o snap o hinihila lang at konti lang ang butones. Bawasan ang choices niya sa pamamagitan ng pagtanggal ng mga damit na bihira niyang gamitin sa closet. Karaniwan sa mga taong may dementia na patuloy na magsuot ng patong patong na damit kahit na bihis na bihis na sila. Upang gawing madali ang pagbibihis at tulungan siyang maging independent, isang damit lang ang ilagay sa harap niya sa bawat step, at ibigay ito ayon sa order ng pagsusuot nito. Tanggalin ang maduming damit sa kuwarto. Huwag makipag-diskusyon kung gusto niyang paulit-ulit na isuot ang isang damit.
- Ang hallucination (nakakakita at nakakarinig ng mga bagay na hindi nakikita o naririnig ng iba) at ang delusion (false belief, katulad ng pagiging kumbinsido na may taong gustong saktan o patayin ang iba pang tao) ay maaaring mangyari habang lumalala ang dementia. Sabahin nang simple at mahinahon kung ano ang nakikita mo sa sitwasyon, at iwasang makipag-diskusyon o kumbinsihin siya na mali pag-unawa niya sa sitwasyon. Siguraduhing laging maliwanag ang mga kuwarto upang mabawasan ang mga anino, at pakalmahin siya at ipaliwanag sa kanya kapag gumagalaw ang mga kurtina dahil sa hangin, o kapag may malakas na ingay tulad ng eroplano o sirena. Maaari ring makatulong kung idi-distract mo siya. Depende sa lubha ng mga sintomas, maaari ring bigyan siya ng gamot.
- Ang mga hindi naaangkop na sexual pag-uugali tulad ng masturbating o pagsasalsal o paghuhubad sa publiko, malaswang comment, hindi makatwirang sexual demands, at maging agresibong sexual na pag-uugali ay maaaring mangyari. Tandaan, ang pag-uugali na ito ay dala ng sakit niya. Gumawa ng action plan na susundin mo bago pa maganap ang mga pag-uugali na ito, halimbawa, ano ang sasabihin mo kapag nangyari ang pag-uugali na ito sa bahay, sa harap ng mga kamag-anak, kaibigan at mga paid caregivers. Kung maaari, alamin ang trigger ng mga pag-uugali na ito.
- Ang mga verbal outburst katulad ng panunungayaw o pagmumura, pakikipagtalo at pagbabanta ay kadalasang nagpapahiwatig ng galit o stress. Harapin ang sitwasyon nang mahinahon at nakakapanatag ng loob. Unawain ang nararamdaman niya at subukang siyang i-distract o ilipat ang kanyang atensyon sa ibang bagay.
- Ang “shadowing” ay kapag ginagaya at sinusundan ng taong may dementia ang nag-aalaga sa kanya, o kaya naman ay walang tigil sa pagsasalita, pagtatanong at nang-aabala. Katulad ng sundowning, ang pag-uugali na ito ay kadalasang lumalabas sa bandang hapon at maaaring nakakairita para sa mga caregiver. Pakalmahin ang taong may dementia sa pamamagitan ng pagbibigay ng verbal at pisikal na reassurance. Maaari ring makatulong na idi-distract mo siya o ililipat ang kanyang atensyon sa ibang bagay. Maaari ring makatulong ang pagbibigay sa kanya ng gawain katulad ng pagtitiklop ng damit upang magkaroon siya ng pakiramdam na kailangan at may silbi siya.
- Ang mga taong may dementia ay maaaring hindi makipag-cooperate o kaya ay lumaban sa mga pang-araw-araw na gawain tulad ng paliligo, pagbibihis at pagkain. Kadalasan, ito ang tugon niya sa feeling niya na nawawalan siya ng kontrol, minamadali siya, pagod o nalilito sa mga ipinagagawa mo sa kanya. Hatiin ang mga gawain sa mga maliliit na steps, at gamit ang mapang-unawang boses, ipaliwanag sa kanya ang bawat hakbang bago mo gawin ito. Maglaan ng mahabang oras para dito. Humanap ng paraan upang tulungan sila na magamit ang kanilang kakayahan sa gawain, o gumawa ng gawain na kaya nilang gawin.
- Kahit pa sa mga posibleng challenges o hamon na ito, mahalagang tandaan na ang mga pag-uugaling ito ay kadalasang coping tactics o paraan para makapag-adjust para sa mga taong humihina ang brain function. Hindi maitatanggi na nagiging napaka-challenging ng pag-aalaga kapag nahaharap sa mga pag-uugali na ito.
Resources
Family Caregiver Alliance
National Center on Caregiving
(415) 434-3388 | (800) 445-8106
Website: www.caregiver.org
Email: info@caregiver.org
FCA CareNav: https://fca.cacrc.org/login
Services by State: https://www.caregiver.org/connecting-caregivers/services-by-state/
Nilalayon ng Family Caregiver Alliance (FCA) na i-improve ang kalidad ng buhay ng mga caregivers sa pamamagitan ng edukasyon, serbisyo, research, at pagtataguyod ng mga ito. Sa pamamagitan ng National Center on Caregiving, nagbibigay ang FCA ng impormasyon sa umiiral na social, public policy, at mga problema sa caregiving at nagbibigay ng tulong sa paggawa ng mga programang pampubliko at pribado para sa mga caregiver. Para sa mga residente ng greater San Francisco Bay Area, nagbibigay ang FCA ng mga direct support services para sa mga caregivers ng mga taong may Alzheimer’s disease, na-stroke, nagkaron ng traumatic brain injury, Parkinson’s disease, at iba pang mga sakit na nagiging sanhi ng pagiging baldado ng mga adulto o ng nakakatanda.
FCA Fact Sheets
Ang listahan ng mga facts at tips ay matatagpuan online sa www.caregiver.org/fact-sheets.
Dementia, Pag-aalaga at Pagkontrol ng Frustration
Pag-aalaga sa ‘YO: Pag-aalaga sa Sarili para sa mga Caregiver sa Pamilya
Pag-hire ng In-Home na Pag-aalaga
Mga Option sa Community Care
Iba Pang Organisasyon at Links
Alzheimer’s Disease Education and Referral (ADEAR) Center
www.nia.nih.gov/alzheimers
Isang serbisyo ng National Institute on Aging na nagbibigay ng impormasyon at naglalathala ng mga diagnosis, treatment, pag-aalaga sa pasyente, pangangailangan ng caregiver, pangmatagalang pag-aalaga, edukasyon, at research ukol sa Alzheimer’s disease.
Eldercare Locator
eldercare.acl.gov
Isang serbisyo ng federal Administration on Aging na nagbibigay ng impormasyon at referrals sa respite care o temporary care para sa mga caregiver, at iba pang home and community services na matatagpuan sa pamamagitan ng state at Area Agencies on Aging.
Alzheimer’s Association Safe Return Program
www.alz.org/care/dementia-medic-alert-safe-return.asp
Isang pambansang programa na naglalayong makilala ang mga taong may dementia na naligaw at ibalik sila sa kanilang mga tahanan. Sa pamamagitan ng pagbayad ng fee, maaaring i-register ng mga pamilya ang kanilang minamahal sa buhay sa isang national confidential computer database. Makakatanggap ang mga participants ng identification bracelet okuwintas at iba pang materyal para sa identification at edukasyon.
Ang fact sheet na ito ay ginawa ng Family Caregiver Alliance at sinuri ni Beth Logan, M.S.W, education at training consultant at espesyalista sa dementia care. © 2004, 2008, 2016 Family Caregiver Alliance. All rights reserved.
Source URL: https://www.caregiver.org/caregivers-guide-understanding-dementia-behaviors