FCA logo

Pagsasagawa ng Isang Miting sa Pamilya (Holding a Family Meeting)

Kapag inaalagaan ang isang matandang magulang o iba pang kamag-anak, ang mga miyembro ng pamilya ay kailangang makipagtulungan. Mas maraming tao na kabilang sa pag-aalaga, di masyado nag-iisa ang pakiramdam ng caregiver sa kaniyang tungkulin. Ang mga libro at artikulo tungkol sa pag-aalaga ay madalas na bumabanggit sa miting ng pamilya bilang isang paraan na mapadali ang prosesong ito. Pero paano gagawin ang nasabing miting?

Sino ang Dapat Dumalo?

Ang bawat pamilya ay iba. Sa ilang mga pamilya, ang asawa lang at ang kanilang mga anak ang nakokonsidera na “pamilya”. Sa ibang mga pamilya, ang mga tiya, tiyo, pinsan, ang kasalukuyan at dating mga biyenan, at mga malalapit na kaibigan ay maaaring isama sa kahulugan ng isang pamilya. Kapag pinaplano ang miting ng pamilya, mahalagang isama ang lahat na parte o magiging parte ng caregiving team, at maaaring kasama dito ang isang kaibigan ng pamilya, kapitbahay, o binabayaran na caregiver o tagapag-alaga.

Minsan ay nakakatulong rin na kumuha ng tulong ng panlabas na facilitator, tulad ng isang social worker o minister, para makatulong sa pamilya na sabihin ang mga mahihirap pag-usapan na paksa habang isinasagawa ang meeting. (Ito ay tinatalakay nang mas detalyado sa ibaba.)

Dapat rin magdesisyon kung dapat isama ang may sakit na miyembro ng pamilya sa meeting o hindi. Ang mga miyembro ng pamilya ay karaniwang di gustong isama sa mga pagkikita ng pamilya, at ang kanilang mga kagustuhan para sa pag-aalaga ay dapat ikonsidera. Gayunman, kung may isang tao na may dementia o iba pang kondisyon kung saan maaari niyang di maintindihan ang layunin ng meeting, marahil na naaangkop na magkaroon ng kahit man lang isang unang miting ng hindi siya kasama. At, maaaring kailangang sabihin ng iba pang mga miyembro ng pamilya sa isa’t isa ang mga nasasaisip nila o nararamdaman na maaaring masakit kung marinig ng taong may sakit. Ikonsiderang magtakda ng isang miting para makatuon sa mga paksang iyon, at magsagawa ng ikalawang miting kasama ang may sakit.

Paano Kami Dapat Mag-umpisa?

Ang komunikasyon ang susi sa matagumpay na pakikitungo sa isang grupo ng mga tao. Mahirap para sa ilang mga miyembro ng pamilya na bumiyahe papunta sa lokasyon ng miting, ang teknolohiya ay maaaring makatulong: isang conference call o ang paggamit ng speaker phone ay gagawing mas madali na makasali sila. Isang videotape o audiotape ng miting ay maaari rin ipadala sa lahat ng mga miyembro ng pamilya na hindi makakadalo. Sa email, kahit iyong mga hindi malapit ay maaari rin bigyan ng nasasapanahon na balita kung ano na ang nangyayari.

Bago ang miting, makakatulong sa iyong maghanda ng isang agenda. May isang miyembro ng pamilya ang magsasabi tungkol sa ideya ng meeting at aayusin ang petsa at lokasyon. Ang taong iyon ay maaari rin gumawa ng agenda para sa meeting at ipapadala sa lahat ng mga miyembro ng pamilya ng pauna. Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang mga ideya at magmungkahi ng ibang mga bagay na dapat isama.

Maaaring kasama sa agenda ang ilang mga paksa tulad ng:

  • Ang pinakahuling ulat mula sa doktor 
  • Pagsasabi ng mga nararamdaman tungkol sa sakit/pag-aalaga
    • Mga Kinakatakutan: 
      • Tungkol sa pagpanaw at mamamatay 
      • Tungkol sa sobrang daming iba’t ibang nararamdaman at dapat gawin 
      • Tungkol sa mangyayari sa mga miyembro ng pamilya makalipas pumanaw 
    • Kalungkutan, pagkalito, galit, guilt at hiya 
    • Ano ang gusto at kailangan ng taong may sakit? 
  • Mga pang-araw araw na pangangailangan sa pag-aalaga: 
    • Dapat bang lumipat kasama namin ang may sakit? 
    • Kailangan ba siyang dalhin sa isang assisted living facility o nursing home? 
    • Gaano katagal kailangang bumisita ang miyembro ng pamilya? 
    • Ano ang iba pang mga paraan na makakatulong ang bawat isa? Ano ang iba pang mga tulong? 
  • Mga ikinababahala sa pananalapi sa pag-aalaga: 
    • Magkano ito? 
    • Gaano kadalas puwedeng hindi pumasok sa trabaho ang mga miyembro ng pamilya? 
    • Ano ang pinansiyal na tulong ang available na galing sa iba? 
  • Sino ang magdedesisyon (hal. pinansiyal, medikal, pagkuha ng caregiver, atbp.) at paano gagawin ang mga ito? 
  • Ano ang mga pang-suportang trabaho ang gagampanan ng bawat isa? 
  • Ano ang uri ng suporta ang kailangan ng pangunahing caregiver? 
    • Pangangailangan ng pahinga (pahinga mula sa pag-aalaga) 
    • Tulong sa mga pagkain, pamimili, paglilinis, paglalaba, atbp. 
    • Emosyonal na suporta sa telepono o email 
    • Tulong sa mga gawaing bahay – hal: pagdadala sa inaalagaan sa mga appointment sa doktor 
  • Paano magbabago ang mga pangangailangan sa pag-aalaga at suporta habang sumusulong ang sakit? 
  • Paglulutas sa problema 
    • Listahan ng mga gawain na kailangan gawin 
  • Buod ng miting at nakatakdang susunod na miting 
    • Nakasulat na buod ng pinagsang-ayunan ng bawat isa 
    • Email o telephone tree para sa mga regular na update

Marahil na mahirap na masakop ang lahat ng mga isyu na ito sa iisang miting, kaya’t ang karagdagang mga miting ay makakatulong. Ang bawat miting ay dapat na may malinaw at tiyak na oras ng pagsisimula at pagtatapos. Siguraduhin na susunod sa takdang oras; kung ang mga miting ay masyado matagal, napapagod ang mga kasama, natutuon sa iba ang atensyon, at maaaring di na kusang magpunta ang iba sa mga susunod na miting.

Ang miting

Tulad ng mga napaka-importanteng mga pag-uusap, ang pagpapasya kung saan gaganapin ang miting ay kasing kontrobersyal ng miting mismo. Kung gawin ito sa isang opisina, isang kainan, o sa bahay ng iba, tandaan na gusto mo ng isang lugar na ang karamihan sa mga kalahok ay magiging komportable at madali at may kakaunting mga distraksyon hangga’t maaari (hal. ingay, maliliit na bata na kailangang alagaan, atbp.)

Ang matagumpay na miting ng pamilya ay nagbibigay sa lahat ng pagkakataon na marinig ang saloobin. Ang lahat ng mga damdamin ay naaangkop at kailangang ipahiwatig at kilalanin. Mas kusang sasabihin ng mga tao ang kanilang nararamdaman hinggil sa situwasyon kung ligtas ang pakiramdam nila. Halimbawa, ang kapatid na lalaki na hindi kailanman nagpapakita ay maaaring sabihing hindi niya kayang tanggaping makita ang isang taong may sakit, at ang kapatid na babae na gumagawa ng lahat ay maaaring di nalalaman na tinatanggihan niya ang tulong ng iba. Ang isa pang kapatid ay maaaring may mga problema sa bahay na hindi pa niya nasasabi sa pamilya, at ang isa namang kapatid ay maaaring nag-aalala na baka mawalan siya ng trabaho. Kailangang balasehin ng bawat isa ang kaniyang mga kinakakatakutan, ikinababahala, pagmamahal, at nais na makatulong kapag may mailalaan na oras, mga lakas, mga kahinaan, at mga pag-asa.

Hangga’t ang tindi at lalim ng mga isyu hinggil sa may sakit na miyembro ng pamilya ay natuklasan, mahalagang subukan na lutasin ang mga problema. Ang pagtatala ng mga problema sa isang listahan tulad nang pagkakabahagi sa mga ito, gayunman, ay makakatulong habang sinusubukan na lutasin ang mga problema habang isinasagawa ang miting.

Mahalaga para sa bawat miyembro ng pamilya na matutong gamitin ang “Ako” na mga mensahe, at pati na rin sabihin ang “Kailangan ko…” kaysa sa “Dapat mong…” Kahit na di kayo nagkakasunduan, subukan na hanapin sa sinabi ng kabila ang puwede mong sang-ayunan. Ang layunin ng miting ay magtrabaho bilang isang koponan sa pag-aalaga sa taong may sakit, kahit na may di pagkakasunduan sa mga miyembro ng pamilya sa ibang mga aspeto.

Sa pagtatapos ng miting, tiyakin na ang lahat ay may malinaw na pag-uunawa sa mga isyu at ang mga tinalakay na dapat ikonsidera. Kapag natatag na ang mga isyu, tiyakin na naiintindihan ng bawat isa ang sinang-ayunan nilang gawin.

Ang pinakamahalagang bagay na dapat gawin ng mga miyembro ng pamilya ay tandaan na ang miting ay hindi isang beses lang na kaganapan. Ang mga miting ng pamilya ay regular na isasagawa. Nakakatulong na magtakda ng marahil parehong oras kada buwan. Gayunman, kung hindi posible, kailangan itong matuloy kapag ang situwasyon sa pag-aalaga o ang iba pang mga situwasyon sa mga buhay ng miyembro ng pamilya ay nagbago. Ang pagsasagawa ng mga regular na miting ay mas kaunti ang pressure na dulot sa mga miyembro ng pamilya para malutas lahat sa isang meeting lang, at nagbibigay ng mas maraming panahon para maproseso ang impormasyon at pagdedesisyon. Kapag hindi makakadalo ang isang miyembro ng pamilya sa miting, makipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng telepono, sulat o email.

Mga Posibleng Balakid

Ang mga pamilya ay may kakabit na kasaysayan: isang kasaysayan kung paano magkakaugnay ang bawat isa, isang kasaysayan ng tungkuling ginampanan ng bawat isa at kasalukuyang ginagampanana sa loob ng pamilya, isang kasaysayan kung ano ang nararamdaman ng tao sa may sakit, at isang kasaysayan kung paano nakikitungo ang bawat isa sa sakit at kahirapan. At sa bawat pamilya ay may mga tuntunin kung ano ang masasabi at di masasabi, aling mga damdamin ang puwede at hindi puwedeng sabihin. Ang mga bagay-bagay na ito ay maaaring magpahirap sa mga miting ng pamilya. Ito ang dahilan kung bakit maaaring makatulong ang ibang taong siyang mangangasiwa sa buong miting.

Ang mga miyembro ng pamilya ay may mga tungkulin na gagampanan sa pamilya, ang relasyon sa taong may sakit, mga tanging kakayahan, atbp. Ang taong nag-aalaga (caregiver) ay maaaring iba mula sa nag-aasikaso ng pera, na maaaring iba mula sa taong naglilikom ng mga impormasyon, na iba naman din sa nagdedesisyon o iba din sa mayroong medikal na kaalaman o karanasan. Ang isang tao ay maaaring may gampanan na iba’t ibang mga tungkulin. At, madalas ay mayroong taong mahilig “manisi”, at mayroon din na parating “sinisisi”. Maaaring may sumubok na makipagbati, at ang iba naman ay susubukan na isabotahe ang proseso. Magkakaroon ng mga lihim, mga dating hidwaan sa pamilya, nakonsensya, di patas na kahirapan, nag-iibang mga pamuhunan, mga pinapahulugan, at mga interes. Ang ilan ay mag-aalala sa mga pinangako dati at sa ibang hindi ginagawa ang sariling dapat gawin. Kailangan ng lahat ang pansin, kapangyarihan, pagmamahal, kontrol at pagpapahalaga. Makakatulong na kilalanin na marahil na walang patas na distribusyon ng trabaho at ang pagsubok na pantay-pantay sa lahat ay hindi magtatagumpay.

Isang matinding pagtutuon ng pansin sa bawat miting ay makakatulong na mapagaan ang ilang mga kahirapan. Pero, kailangan mo pa rin pakitunguhan ang ilang mga mahihirap na isyu kapag humahadlang ang mga ito sa kooperasyon. Tandaan na hindi mo malulutas ang matagal nang mga isyu sa pamilya sa isang miting lang. Ang gawain ay hindi “ayusin” ang pamilya, pero mapagkaisa ang lahat bilang koponan, hangga’t maaari, para maalagaan ang isang may sakit.

Kung dahil sa alak ay maaaring maiba ang pangunahing dahilan ng pagpupulong o maaaring humantong sa di pagkakaunawaan, mas mainam na hindi ito alukin sa iba. Gayunman, ang bawat pamilya ay may iba’t ibang paraan sa pakikipag-usap, at sa ilang mga pamilya ang isang “inom” ay maaaring gawing mas komportable ang lahat at mas makakayanan na magsalita. Anuman ang kaso, dapat iwasan ang sobrang pag-inom.

Mga Matagumpay na Situwasyon

Pagkakasundo: Hindi lahat ng mga isyu na may kinalaman sa pag-aalaga at pagdedesisyon ay malulutas; minsan ay mahalang tanggapin ang mga pagtatantiya kung alin ang mabuting solusyon. Subukan na mapatatag ang pagkakasundo-sundo. Dahan-dahan ang pagbabago, pero kung regular na magkita-kita ang mga pamilya, ang mga punla na naitanim ay maaaring tumubo sa mas produktibong mga solusyon. Madalas ay hindi nagbabago ang mga bagay-bagay hangga’t may krisis, pero ang nagawang trabaho sa miting ng pamilya ay magpapadali sa mga pagdedesisyon kapag nagkaroon talaga ng krisis. Maaaring magkasunduan sa oras na limitado ang panahon para makita kung ang pinagsang-ayunan na kilos ay gagana. Ang mga miting sa hinaharap ay magagamit para matasa ang mga pagsubok na ito at mabago ang mga ito kung kinakailangan.

Ang paggalang sa pagkakaiba-iba ng bawat isa at ang iba’t ibang mga situwasyon ay nakakatulong makalikha ng isang kapaligiran na katanggap-tanggap at nagpapahintulot ng mga maayos na solusyon sa mga problema. Halimbawa, nahihirapan si Carol na makasama ang mga taong may sakit, kaya’t nang nagkaroon ng kanser sa baga ang kaniyang kapatid na lalaki, alam niyang hindi niya ito maaalagaan. Gayunman, mas ginusto niyang gumawa ng mga pasta sa kanilang katutubong bansa na Italy at dalhin sa kaniya bilang pambigay ng ginhawa habang ang kapatid niya ay may sakit. Si Jesse ay malayong-malayo ang tirahan, pero maaaring di pumasok mula sa trabaho para makasama ang kaniyang ina habang ang kapatid niyang lalaki at ang pamilya nito ay magbabakasyon muna. Nang maoperahan ang nanay ni Ed, inayos ni Ed na alagaan ang kaniyang ama na may Alzheimer’s disease, habang full time na nagtrabaho ang kaniyang kapatid na babae at tumulong sa mga gastusin. Dinadala ni Gina ang kaniyang mga magulang sa mga medikal na appointment habang tinitiyak ng kaniyang kapatid na wastong naiinom ng mga ito ang kanilang mga gamot gabi-gabi.

Kompromiso: Para gumana ang mga solusyong ito, kailangang matuto na makipagkompromiso ang mga tao. Sa pagiging bukas sa mga alternatibo, maaaring makuha mo ang isang parte – kahit na hindi lahat- ng gusto o kailangan mo. Madalas ay sanay tayo sa isang solusyon lang sa problema, hindi natin ikinokonsidera ang iba pang mga posibilidad na maaaring makatulong sa atin. Ang paghingi ng tulong ay isa sa pinakamahirap na gawaing magagawa. Ang pagtuto ng maunawang pagtatanggap ng tulong na inaalok ay maaaring mahirap rin, hindi lang para sa taong may sakit, pero para rin sa primary caregiver. Ang pagpapasalamat ay ang pinakamalaking gantimpala na mabibigay sa isang taong sinusubukan na tumulong sa iyo, kahit na ang klase ng tulong na inaalok niya ay hindi mismo iyong nasa isip mo. Kapag mapaganda mo ang damdamin ng isang tao tungkol sa pagtulong, gugustuhin niyang tumulong muli. Ang pagsabi ng “Salamat” ay malayo ang mararating sa pagtutulungan. Sa pagbubuo ng caregiving na koponan, isipin kung paano dapat kilalanin ang bawat tao.

Ilagay sa isang kasulatan: Ang nakasulat na kasunduan na nakasaad ang mga desisyon at kasunduan sa katapusan ng miting ay isang nakakatulong na paalala sa mga miyembro ng pamilya. Ang pagbibigay ng kalendaryo na kung saan ang iba’t ibang mga petsa ay namarkahan ng mga responsibilidad at pananagutan ay makakatulong rin sa bawat tao na kilalanin ang mga ginawang kasunduan.

Kailan Mo Kailangan ng Panlabas na Tulong? Saan Mo Ito Makukuha?

Kahit na ang mga miting ng pamilya ay maaaring makapangyarihan at mabibisang paraan para magka-ugnayan at magkaisang magtrabaho kasama ang mga miyembro ng pamilya, hindi nito mahiwagang malulutas ang lahat ng mga problema sa pag-aalaga ng isang may sakit na miyembro ng pamilya. Kapag nahihirapan ang mga pamilya na magkaisa o magkasundo-sundo o kapag ang pamilya ay nahahati sa isang malaking isyu, madalas na nakakatulong na anyayahin ang isang walang kinikilingan na panlabas na tagapangasiawa na dumalo. Minsan, ang krisis ay mula sa pangangailangan ng isang miting – marahil na mayroong nasa ospital at may kailangang mga gawin na malalaking desisyon sa buhay at kamatayan. Lubos na mahalaga na hindi mag-aksaya ng panahon. Anumang trabaho ang nagawa na ninyo noong una ay makakatulong sa iyo sa mga panahong ito ng sukdulang pagkabalisa.

Ang mga social worker mula sa mga lokal na samahan ng caregiver (tulad ng Caregiver Resource Centers sa California), at pati na rin ang mga minister, mga pribadong case manager, mga social worker sa kalusugang pantahanan o ospisyo, mga doktor, at mga discharge planner sa mga ospital at nursing home ay makakatulong na mapadali ang meeting ng pamilya o maaari kang irekumenda sa iba na magagawa ito. Ang mga psychotherapists na may pribadong opisina ay sanay sa family counseling. Kung matagpuan mo ang iyong sarili sa isang mahirap na posisyon, Huwag kalimutan ang suporta na makukuha mo mula sa iyong mga kaibigan, mga kasamahan sa trabaho, at mga support group. Ang pagsabi ng sarili mong mga karanasan sa iba pang mga caregiver ay makakatulong na maibsan ang mga nararamdaman at pagkayamot na madalas na kabilang sa pagiging isang caregiver.


Mga Pinagkukuhanan ng Impormasyon at Tulong

Family Caregiver Alliance
National Center on Caregiving
(415) 434-3388 | (800) 445-8106
Website: www.caregiver.org
Pagaaring yaman: https://www.caregiver.org/tagalog/
Email: info@caregiver.org
FCA CareNav: https://fca.cacrc.org/login
Services by State: https://www.caregiver.org/connecting-caregivers/services-by-state/

Hangad ng Family Caregiver Alliance (FCA) na mapahusay ang kalidad ng buhay para sa mga caregiver sa pamamagitan ng edukasyon, mga serbisyo, pananaliksik, at pagtatanggol. Sa pamamagitan ng National Center on Caregiving nito, ang FCA ay naghahandog ng impormasyon sa kasalukuyang social, pampublikong patakaran at mga isyu sa pag-aalaga, nagkakaloob ng tulong sa pagde-develop ng pampubliko at pribadong mga programa para sa mga caregiver. Para sa mga residente ng mas nakalalawak na San Francisco Bay Area, ang FCA ay nagkakaloob ng direktang serbisyo ng suporta sa mga pamilya para sa mga caregiver noong may mga Alzheimer’s disease, stroke, pinsala sa ulo, Parkinson’s disease, at iba pang nagpapahinang karamdaman sa kalusugan na nararanasan ng mga adult.


Ang fact sheet na ito ay inihanda ng Family Caregiver Alliance at na-review ng John Neville, MD, Spiritual Care Coordinator, Pathways Hospice. ©2003 Family Caregiver Alliance. Naka-reserba ang lahat ng mga karapatan.