Sampung Tips sa Pakikipag-Komunikasyon sa Taong may Dementia (Caregiver’s Guide to Understanding Dementia Behaviors)
Tayo ay hindi ipinanganak na may kakayahang makipag-ugnayan sa mga taong may dementia — gayunpaman, pwede nating matutunan ito. Sa pamamagitan ng pagpapabuti ng iyong komunikasyon, mas malamang na umigi din ang pagsasamahan ninyo ng kapamilya mong maysakit. Makatutulong din ang magaling na komunikasyon sa pagharap ng mga nakakabahalang pagpag-uugali na maaari mong maranasan sa pag-aalaga mo sa taong may dementia.
- Gawing positibo ang mood sa pakikipag-usap sa pasyente. Kumpara sa salita, mas mabisa ang iyong saloobin o pakikitungo at body language upang ipakita ang iyong nararamdaman o iniisip. Magbigay ng positibong pakiramdam sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa paraang maayos at may respeto. Gamitin ang ekspresyon ng mukha, tono ng boses at paghawak o paghipo upang iparating ang iyong mensahe at iparamdam ang iyong pagmamahal.
- Kuhanin ang atensyon ng tao Limitahan ang pagkagambala at ingay – patayin ang radyo o telebisyon, isarado ang kurtina o pinto, o kaya naman ay lumipat sa mas tahimik na lugar. Bago ka magsalita, siguraduhin na nakukuha mo ang kanyang atensyon; tawagin siya sa pangalan, ipakilala ang iyong sarili sa kanya – sabihin ang iyong pangalan at ang kaugnayan sa kanya at gumamit ng mga senyas at hawakan siya upang manatili siyang naka pokus. Kung nakaupo siya, bumaba ka para siguraduhing magka-level kayo at napapanatili ang inyong tinginan sa mata.
- Malinaw na sabihin ang iyong mensahe. Gumamit ng mga simpleng salita at pangungusap. Magsalita nang mabagal, malinaw at may tono ng boses na nakakapagpanatag ng loob. Iwasang itaas ang boses o magsalita nang malakas; sa halip, pababain ang tono ng boses mo. Kapag hindi niya agad naintindihan ang sinabi mo, ulitin ang eksaktong sinabi mo o tanong mo. Kapag hindi pa rin niya maintindihan, maghintay ng ilang minuto at i-rephrase o medyo baguhin mo ang pagkakasabi mo ng tanong mo. Gamitin ang pangalan ng mga tao at lugar sa halip na gamitin ang mga pronoun o panghalip (siya, sila) o mga abbreviation o pagdadaglat.
- Gawing simple ang tanong at siguraduhin nasasagot ito. Paisa-isa lang ang pagtatanong; ang mga tanong na maaaring sagutin lang ng oo o hindi ang pinakamainam sa lahat. Iwasan ang mga tanong na open-ended o hindi nasasagot ng oo o hindi, o kaya naman ay pagbibigay ng sobrang daming choices sa tanong. Halimbawa, tanong na “Gusto mo bang magsuot ng puti o asul na damit?” Mas mainam kung maipapakita mo sa kanya ang mga choices – maaaring makatulong ang mga senyas at galaw upang linawin ang iyong tanong at gabayan siya sa kanyang sagot.
- Makinig gamit ang iyong tenga, mata at puso. Maging matiyaga o magpasensya sa paghintay sa sagot ng iyong kapamilyang maysakit. Kung nahihirapan siyang sabihin ang sagot, maaari kang magmungkahi ng ilang salita. Obserbahan ang mga senyas at body language niya, at angkop na tugunan ang mga ito. Sikapin laging alamin ang kahulugan at damdamin sa ilalim ng mga salita niya.
- Hatiin ang gawain sa mas maliliit na gawain Sa pamamagitan nito, mas magiging manageable o madaling gawin ang mga gawain. Maaari mong hikayatin ang iyong inaalagaan na gawin ang kaya niyang gawin, mahinahong ipaalala sa kanya ang mga hakbang na maaari niyang malimutan at tulungan siya sa mga hakbang na hindi na niya kayang gawin nang nag-iisa. Ang paggamit ng mga visual cues o mga galaw ay maaaring makatulong katulad ng pagkumpas upang ipakita sa kanya kung saan dapat ilagay ang plato,
- Kapag naging kumplikado ang sitwasyon, i-distract siya at agawin ang kanyang atensyon sa ibang bagay. Kapag sumama ang kalooban ng iyong inaalagaan o kaya ay nababalisa siya, subukang baguhin ang usapan o kaya naman ay magbago ng paligid. Halimbawa, humingi ng tulong sa kanya o yayain siyang maglakad. Mahalagang maunawaan mo ang nararamdaman ng pasyente bago mo subukang ilipat ang atensyon niya. Maaari mong sabihin sa kanya, “Alam kong nalulungkot ka—Nalulungkot din ako na nasaktan ang loob mo. Kain tayo.”
- Sumagot nang may pagmamahal at nakakapanatag ng loob Ang mga taong may dementia ay kadalasang nalilito, nababalisa at hindi sigurado sa sarili nila. Gayundin, maaaring malito sila sa mga totoong nangyayari at magkuwento ng mga bagay ayon sa kanyang alaala na hindi naman totoong nangyari. Iwasan silang kumbinsihin na sila ay mali. Tumutok sa mga feelings o damdamin na ipinapakita nila (at ang mga ito ay totoo) at tugunan ang mga ito gamit ang mga salita at pisikal na paraan upang ipakita sa kanila ang iyong pagsuporta, pagbibigay ng ginhawa at katiyakan. Kung minsan, ang paghawak sa kanilang kamay, paghaplos, pagyakap at pagpuri sa kanilang ginawa ay nakatutulong upang mag-respond o tumugon sila kapag ang lahat ng iba pang paraan ay walang bisa.
- Alalahanin ang mga lumipas at magagandang panahon. Ang pag-aalala sa nakaraan ay isang aktibidad na kadalasang nakatutulong upang pakalmahin at hikayatin ang mga taong may dementia. Maaaring makalimutan ng marami sa mga taong may dementia kung ano ang nangyari sa nakaraang 45 minuto, ngunit maaaring maalala nila ang buhay nila 45 taon na ang nakaraaan. Kaya iwasang magtanong ng mga bagay na nangangailangan ng maikling memorya , katulad ng pagtanong sa kanya kung ano ang kinain nila sa tanghalian. Sa halip, magtanong ng mga pangkalahatang bagay tungkol sa kanyang nakaraan – mas malaki ang posibilidad na natatandaan pa niya ang mga impormasyong ito.
- Gamitin ang sense of humor o pakiramdam ng pagpapatawa kung maaari, ngunit hindi ito dapat gamitin nang nakakasakit sa damdamin ng taong naalagaan. Kadalasan, napapanatili ng mga taong may dementia ang kanilang social skills o kasanayan panlipunanan at nasisiyahan silang tumawa kasama mo.
Ang artikulong ito ay inihanda ni Family Caregiver Alliance at sinuri ni Beth Logan, M.S.W, education at training consultant at espesyalista sa dementia care. © 2004, 2008, 2016 Family Caregiver Alliance. All rights reserved.